Pananampalataya o Panatisismo?
Posted by: chaze-diyes in religion?, tags: chaze's realization
Isang katangian ng mga Pilipino ang madasalin at pagpapahalaga sa kulturang kinalakhan. Minsan, ang mga nanampalataya ay may mga natatanging debosyon na nagpapatingkad ng tradisyong Pilipino. Ngunit, paano mo masasabi na ang nangyayari ay parte pa rin ng debosyon o nagiging panatiko na ang deboto? Ano ang linyang naghahati sa pagitan ng matinding debosyon at sa panatisismo?
Isa ako sa milyun-milyong taong nakiisa sa kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno nung nakaraang araw. Isa ako asa mga taong naniniwala sa kapangyarihan ng Poon…. Ng mismong Panginoong Diyos. Isa ako sa libo-libong taong nakikipagsiksikan sa Basilika kapag Biyernes para makimisa. Sa totoo lang, di ako sagradong deboto. Ngunit hangga’t kakayanin, pinipilit kong pumunta sa Kanya tuwing Biyernes. ‘Di rin ako nagnonobena tulad ng iba. Wala rin akong litrato ng Itim na Poon. Ngunit malalim ang pagtingin ko sa Kanya.
Kahit na halos anim na taon na ako ditto sa Maynila at kung tutuusin ay ilang lakaran lang ay ang Basilika na, nagkaroon lang ako ng debosyon sa kanya dalawang taon na ang nakakaraan. Nakakatawa na nagpunta lang ako sa Kanya noong malapit na akong matapos sa aking pagaaral. Noong panahong medyo malabo ang buhay. Noong panahong nanganganib ang aking mahal na lolo kasabay ng paghagupit ng katakot-takot na presyur ng nalalapit na eksaminasyon. Dininig niya ang dasal ko. Simula noon, pinilit kong makinig at makiisa sa mga misa kapag Biyernes. Bagamat minsan hindi ako nakakapunta, alam ko, malakas ako sa Kanya kahit papano. Nandyan lagi siya.
Kaya sa kaunaunahang pagkakataon, nakilahok ako. Bagamat hindi ko pinilit na mahawakan ang karo o naglakad ng nakayapak o kahit ang lubid o pumila ng magdamag upang makahalik sa Poon, isang tagumpay na na maituturing ang makisama sa pambungad na misa.
Masarap sa pakiramdam na makita ang Poon. Makinig sa homily ng Arsobispo. Ngunit, ang misang yun din ang nagukit ng tanong sa akin isip. Ang pagiging deboto ba ay nakikita lamang sa paglakad ng nakayapak o di kaya’y nakasuot ng dilaw at maroon na damit o di kaya’y pinipilit na makipagsiksikan para makalapit sa Poon kahit na kasalukuyang ginaganap ang misa?
Hindi kanais-nais ang naranasan ko. Nasa kalagitnaan ako ng dagat ng tao sa Luneta. Napapaligiran ako ng mga deboto, mga nananalangin at mga tindero ng kung ano-anong gamit at pagkain. Mahirap makinig ng misa kung halos ang mga katabi mong deboto ay parang nasa perya. Naninigarilyo, nagtatawanan, naghaharutan habang nagmimisa. Meron din namang mga tinder na nakikitang nakikinig ka ay pilit kang binebentahan ng panyo at kandila. Marami pa rin namang taong pilit nakikinig sa misa. Ngunit, mas marami ang mga taong atat na matapos ang misa upang maumpisahan ang prusisyon.
Tinapos lang namin ang misa. Lumakad na ang prusisyon. Tanaw na tanaw ang karo pero ang Poon, halos hindi na makita sa sobrang daming Hijos na nakadilaw na nakasakay sa karo. Suwerte na rin naming na nakita naming ang mukha ng Poon bago pa man ito pagpiyestahan ng milyun-milyong tao.
Nakakalungkot na minsan, ang tradisyon at debosyon sa Poong Nazareno ay nababalutan ng maraming nasasaktan. Marahil dahil na rin sa sobrang daming tao na pilit inaabot ang Poon. Ito ang nakikita kong baluktot. Ang debosyon sa Nazareno ay nagiging debosyon na lang sa kahoy o ivory na pinuprusisyon. Maraming tao ang pilit na umaakyat para makahalik. Maraming tao ang pilit hahawak sa lubid. Walang masama dun; ngunit kung ito ang dahilan kung bakit nagkakasakitan na, hindi na ito maganda.
Umasa akong dadaan ang prusisyon sa Avenida. Ngunit di ito nangyari dahil pinilit inilihis ng mga deboto ang ruta ng prusisyon. Ang resulta? Mas maraming nasaktan, masa matagal bago naibalik sa kanyan bahay ang Poon.
Ganito ba ang tunay na debosyon at pananampalataya. Bagamat pista ng Quiapo at oo, sa Quiapo lang dapat idaan ang Poon, mas pinili ng mga deboto na ibahin ang ruta at ibalik sa kinagawian. Sa ganitong pananaw, tama ba na ang ganoon ang nangyari? Ganun ba dapat ang debosyon?
Sa aking pananaw, nababalutan ng pagiging deboto sa estatwa ng Itim na Nazareno at hindi sa Poong hindi nakikita. Dahil sa dami ng iba’t-ibang pamahiin at maling gawain, nagiging deboto tayo sa estatwa na lang. O di kaya’y panatiko sa estatwa.
Malamang, hindi nais ng Panginoon na mabalot tayo ng ideya na ang estatwa na Itim na Poon ang nakakagaling at nakakatupad ng mga dasal. Ang nasa langit na Diyos ang siyang dumidinig dito. Bagamat isang simbolo ang Poon na Itim at oo tunay ngang milagroso siya, di lang dapat sa prusisyon ng Poon tayo nakikiisa. Hindi dapat tayo nababalot ng ideya na ang mahawakan ang Poon ay kaligtasan na lalo na’t nakakasakit tayo ng kapwa.
Aminado ang Simbahan, dapat ituwid ang maling paniniwala. Ngunit paano kung ang tradisyong ito ay daandaang taon nang ginagawa? Paano ililigtas ng Simbahan ang mga deboto sa bunganga ng panatisismo?
Hindi kaya’t ang unang dapat gawin ng kahit sinong deboto ay taimtim na magdasal. Makisalo sa hapagkainan ng Maykapal sa pamamagitan ng misa. Sumunod sa alituntunin ng mga nasa katungkulan. Isipin ang iba bago ang sarili.
Mahirap. Mukang mas mahirap maging deboto sa tamang paraan kaysa makipagsiksikan sa karagatan ng taong sumasabay sa Poong bitbit ang kanyang krus.
Entries (RSS)
***********